SA Nob. 9 hanggang 17 ay mapapanood na sa mga sinehan sa Trinoma, Glorietta, Resorts World at SM Megamall ang mga pelikulang kalahok sa Cinema One Originals 2015 Film Festival.
Ang mga pelikulang maglalaban-laban ngayong taon ay ang “Baka, Siguro Yata” (Romantic Comedy); “Bukod Kang Pinagpala: (Horror); Dahlin Nick (Docu-Drama); “Dayang Asu” (Action Drama); “Hamog” (Drama); “Manang Biring” (Drama-Comedy); “Mga Rebeldeng May Kaso” (Youth Drama); “Miss Bulalacao” (Drama); at “The Comeback” (Drama-comedy).
Kasama rin sa mga pelikulang mapapanood this year sa naturang filmfest ang mga short film na “Junilyn Has”; “Sanctissima”; “Dindo”; “Pusong Bato”; “Reyna Christina”; “Memorya:, “Mabuhay ang Pili-pinas”; “Anino”; “A Love Story” at “Tenant”.
Nakausap namin ang isa sa bida ng “Mga Rebeldeng May Kaso” na si Nicco Manalo bilang si Pat, ayon sa anak ni Jose Manalo ay personal siyang inalok ni Direk Raymond Red para magbida sa proyekto,
“Nag-personal message po sa akin si direk Raymond at nabanggit niya kung anong klaseng pelikula ang gagawin niya at kung paano nagsi-mula ang indie film base sa alam niya.
“Tungkol po sa young filmma-kers na gumawa ng sariling indie films na tumatalakay sa mga nangyayari noong 1980’s. Actually, comedy po itong movie,” kuwento ni Nicco. Pawang seryoso ang mga papel ni Nicco sa mga indie movies na ginagawa niya kaya itong “Mga Rebeldeng May Kaso” ang unang sabak niya sa comedy.
Natanong kasi ang aktor kung bakit puro seryoso ang ginagawa niya at tila wala siyang namanang humor sa tatay niyang si Jose, “Siguro po, nahihilera lang sa (seryosong role), mas napapansin, pero mayroon din po akong topak (humor) tulad sa daddy (Jose) ko,” napangiting sabi ni Nicco. ‘Topak’ ang tawag ni Nicco sa mga taong nagpapatawa.
Tinanong namin siya kung sino sa kanila ng tatay niya ang mas may topak, “Pare-pareho po kaming tatlo ng daddy ko, ‘yung isang kapatid ko po, may topak din, ‘yung nasa On The Wings Of Love po,” paliwanag ng aktor.
Ang binabanggit na kapatid ni Nicco ay si Bench Manalo o Axcel, ‘yung kabarkada ni Nico Antonio sa Tenement at karpintero ni James Reid sa furniture shop na mahaba ang buhok at may mga tattoo.
Pawang indie films ang ginagawa ni Nicco pero umaasa siyang mapapasama rin sa mainstream movies na mahaba ang role at hindi lang cameo tulad ng ginawa niya sa “10,000 Hours” ni Robin Padilla at “Kimmy Dora 3″ ni Eugene Domingo (entry sa MMFF 2013).
“Siyempre po, nagtatanong din, pero nae-enjoy ko rin po talagang gumawa ng independent films kasi doon po ako galing, theater to indie. So parang babalik at babalik ako. “Naghihintay po ako, hinahanap ko pa rin po ang place ko sa mainstream kung saan ako ilagay o makita nila,” ani Nicco.
At sa tanong namin kung sino ang dream leading lady niya, “Dream leading lady, meaning mataas, kasi dream ko, si Anne Curtis po. Kasi magaling siyang umarte sa ‘The Gifted’, napanood ko po ‘yun.”
E, chubby si Anne sa “The Gifted”, mahilig ba siya sa medyo bigatin? Tumawa nang tumawa ang anak ni Jose sabay naalala namin na nas type ni Nicco ang chubby dahil ang partner niya ngayon sa buhay ay siksik din. “Hindi po kasi ako mahilig sa sexy o balingkinitan,” ani Nicco.
At doon sila nagkaiba ng tatay niyang si Jose dahil sa pagkakaalam namin mahilig sa sexy ang TV host-comedian. Samantala, bukod sa dalawang indie films na natapos ni Nicco ngayong taon ay kasama rin siya sa seryeng Walang Iwanan ng ABS-CBN bilang sidekick ni John Estrada kaya masaya siya dahil mahaba raw ang papel niya rito.
No comments:
Post a Comment