Saturday, October 24, 2015

Darwin - Nanonood din ng Eat Bulaga



Alden, Yaya Dub napaluha habang magkayakap nang mahigpit;




NAKAKAPANGILABOT!
Yan ang naramdaman ng libu-libong Dabarkads at AlDub supporters na nasa loob ng Philippine Arena sa Bulacan habang ginaganap ang record-breaking “Tamang Panahon Fans Day” ng Eat Bulaga.
Tulad ng inaasahan, naging maligaya ang lahat ng nag-effort at naglaan ng panahon para makisaya at maki-bonding sa Eat Bulaga Dabarkads sa tinaguriang pinakamalaki at pinakabonggang fans day sa kasaysayan ng showbiz industry.
Dito muling pinatunayan nina Alden Richards at Maine Mendoza ang kanilang makamandag na karisma hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa iba’t ibang bahagi rin ng mundo.
Hindi binigo ng AlDub Universe (hindi lang Nation) ang panawagan nina Alden at Yaya Dub na magkaisa ang lahat ng Dabarkads para sa tunay at makabuluhang layunin ng Tamang Panahon Fans Day.
Sa simula pa lang ng programa ay ibinandera na agad ni Lola Nidora (Wally Bayola) at nina Tito, Vic & Joey na umabot sa P14 million ang kinita ng Eat Bulaga mula sa mga naibentang ticket sa Tamang Panahon grand fans day.
Ang kabuuang halagang ito ay mapupunta sa “AlDub Library Project” ng programa na magsisimula na anytime soon. Bukod ditto in-announce din ng mga host na ang buong programa ay mapapanood ng walang commercial break kaya non-stop ang kilig at saya ng viewers.
Pero bago ito nag-showdown muna ang tatlong lola ni Yaya Dub – sina Lola Nidora, Lola Tidora (Paolo Ballesteros) at Lola Tinidora (Jose Manalo).
Hataw kung hataw ang tatlo with their signature dance. Sinundan ito ng performance ng iba pang dabarkads kung saan isa-isa nilang kinanta ang themesongs ng AlDub, kabilang na ang TVJ.
Ilang sandali pa, nag-perform na rin si Yaya Dub with her pasabog dance number kasama sina Baste at Ryzza Mae Dizon na nagpakitang-gilas sa kanyang hoover board dance moves.
Pero siyempre ang talagang inabangan ng buong mundo ay ang muling pagkikita nina Yaya at Alden sa Tamang Panahon na wala nang mga kundisyon. Pumagitna si Maine sa stage habang papasok naman ng Philippine Arena si Alden na may dalang pulang kahon.
Feeling namin ay magigiba na ang Arena dahil sa sigawan at padyakan ng mga AlDub fans nang magkalapit na ang dalawa at salubungin ni Lola Nidora sa stage.
At tulad ng inaasahan naging emosyonal ang tatlo habang inihahabilin ni Lola kay Alden si Maine. Nagyakapan din ang mga ito na ikinaluha rin ng mga manonood.
Pagkatapos magpaalam ni Lola kinantahan na ng Pambansang Bae si Maine ng “God Gave Me You” at habang nasa kalagitnaan na ng kanta hindi na nakapagpigil si Alden at niyakap ng mahigpit si Yaya na parang nagpapasalamat sa lahat ng magandang naidulot nito sa kanyang buhay.
Nagkaiyakan din ang dalawa nang muling magyakap ng mahigpit sa harap ng tatlong lola. Nang pagsalitain si Maine nagpasalamat din ito kay Alden at sinabing, “Alden thank you, ipinagdasal ko talaga ang araw na to.
Marami nang nagbago sa buhay natin pero meron ding mga bagay na hindi nagbabago…yun ay IKAW AT AKO!” na sinundan na naman ng sigawan at palakpakan mula sa libu-libong dabarkads sa Arena.
Nag-duet din ang dalawa nang live habang magkalapit ang mga mukha gamit ang isang microphone na muling ikinakilig ng manonood. Kulang na lang kasi ay mag-kiss sila sa harap ng milyun-milyong manonood.
Pagkatapos nito, pinayagan na rin ni Lola Nidora ang dalawa na magsayaw. Kinuha ni Alden ang isang glass shoes mula sa dala niyang red box at isinuot kay Maine at pumagitna muli sa stage para sa kanilang first formal dance.
Ngunit sa pagtatapos ng kalyeserye ay biglang ipinakita na nakikipag-agawan ng kung ano si Lola Nidora sa isang lalaki – nagtagumpay naman itong makuha ang diary na ninakaw noon ng riding in tandem.
Nagtatakbo siya…at ditto na nga natapos ang eksena. Ano nga kaya ang mga nakasulat sa diary? At ano na rin ang mangyayari kina Alden at Maine ngayong Malaya na silang ibandera ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa? Yan ang dapat n’yong abangan sa Lunes.
Samantala, inaasahang wawasakin muli ng Eat Bulaga ang sarili nilang record sa social media dahil as of 2:05 p.m. (hindi pa natatapos ang show) ay nakapagtala na agad ang hashtag #ALDubEBTamangPanahon ng 20.7 million tweets. Imagine, as early as 6 a.m. ay umabot na sa mahigit 7 million tweets ang nakuha nito.