Umabot na sa iba-ibang bansa ang kadakilaan ng puso ni Willie Revillame, maraming kaibigang tumatawag at nagte-text sa amin ngayon na nakikiusap, pakiparating daw namin sa aktor-TV host ang kanilang paghanga.
Napakasimple lang naman ng senaryo kung tutuusin, tumugon si Willie sa hiling ng mag-inang Aling Jean at Engelbert na ininterbyu ni Jessica Soho na makita siya nang personal, humanap ng panahon si Willie para makipagkita sa mag-ina.
Si Aling Jean na ang tumayong ina ni Engelbert (Kuting ang kanyang palayaw) na may sakit na cerebral palsy, palagi silang namamanata sa Poong Nazareno sa Quiapo, in-upload ng isang kababayan natin sa social media ang kanilang retrato.
Isang magandang istorya ng mag-ina ang i-pinalabas sa programa ni Jessica Soho, mas nagkaroon ng ningning ang istorya nang makita ng mag-ina si Willie Revillame, napakasarap ng ngiti ni Kuting nang makaharap na nito ang kanyang idolo.
Sabi ni Aling Jean, nang mawala raw sa himpapawid si Willie ay hinahanap siya ni Kuting, “Siya lang ang nagpapasaya sa anak ko, kaya nu’ng mawala si Willie sa TV, hinahanap siya palagi ni Kuting.”
Binigyan ni Willie ng jacket, cellphone at TV ang mag-ina, nagbigay rin siya ng monetaryong ayuda, pero hindi na niya ‘yun ipinakita sa mga camera.
Maligayang-maligayang umuwi sina Aling Jean at Engelbert pagkatapos ng kanilang pagkikita ni Willie Revillame. Puring-puri ng ating mga kababayan si Willie dito at sa iba-ibang bansa man.
Napakalapit naman kasi talaga sa puso ng aktor-TV host ang matatanda at bata lalo na ang mga special children. Isa lang ang nasabi ni Willie Revillame sa mga papuring tinatanggap niya, “Masarap tumulong sa mga higit na nangangailangan.
Mula sa puso ang lahat, napakasaya ko kapag nakakakita ako ng mga kababayan nating nakangiti.”
Tulad ng napakasarap na ngiti ng maysakit na si Kuting na hindi mapapantayan nang kahit magkano nang magkaharap na sila ng kanyang Kuya Wil.
No comments:
Post a Comment