Thursday, August 20, 2015

Susan Roces nag-ala-FPJ para kay Grace: Pag puno na ang salop, dapat kalusin na!



Ano ngayon ang masasabi ng mga umuupak kay Senadora Grace Poe Llamanzares tungkol sa kanyang pagkatao at sa kanyang citizenship?

Nagsalita na ang Reyna Ng Pelikulang Pilipino, galit na galit ang beteranang aktres sa mga paninirang pinalulutang ng mga pulitikong ngayon pa lang ay takot na takot nang makalaban ang senadora, kahit naman sinong ina ay ganu’n din ang gagawin sa pagmamalasakit at pagmamahal na ipinakita ni Ms. Susan Roces.

Matagal na nanahimik si Manang Inday, marami nang may gustong makainterbyu sa kanya, pero ayon sa beteranang aktres ay kayang-kaya pa ng kanyang anak ang madugong laban sa mundong pinasok nito.

Pero ina si Manang Inday, hinding-hindi siya makapapayag na basta na lang yurakan ang pagkatao ng isang anak na itinuring na niyang kanya talaga, kinakalos nga naman ang salop kapag umaapaw na.

Emosyonal ang mga litanya ng aktres, ramdam na ramdam sa kanyang pagsasalita ang matinding pagmamahal ng ina sa kanyang supling, walang nanay na basta na lang papayag na duru-duruin ng kahit sino ang kanyang anak.

Sinabi ni Manang Inday na kailanman ay hindi nila tinawag ng namayapa niyang mister na si Fernando Poe, Jr. na ampon si Mary Grace, sarili nilang laman at dugo ang kinagisnang uri ng pagmamahal ng senadora sa piling nilang mag-asawa, kaya lalong hindi makapapayag si Manang Inday na bastusin ng kanit sino ang magiting na mambabatas.

Ngayon magsalita uli ang mga traydor kung ituring na kalaban ni Senadora Grace, ngayon sila magsalita, para makita nila ang mga ayaw nilang makita.



                                                                                 by Cristy Fermin

No comments: