Bago pa man ipinakilala ang pelikula sa Pilipinas, ang mga Kastila ang siyang nagpalaganap ng pagtatanghal ng mga dula o drama sa entablado na noong panahong iyon ay laganap sa mga bansang Europeo. Una rito, bago dumating ang mga Kastila ay may mga katutubong sayaw at awitin na ang itinatanghal ng mga katutubong Pilipino tulad ng mga ritwal sa digmaan, kasalan, patay at kung anu-ano pa. Mayroon ding mga tulang nagsasagutan ang magkatunggali.
Ninais ng mga Kastila na palaganapin ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng mga dula na naglalarawan sa paghihirap ni Kristo, ipinakilala ang Senakulo. Ito ang dahilan upang pawiin ng mga Kastila ang mga ritwal ng paganismo sa Pilipinas. Makalipas din ang ilang panahon ay sumunod ang Komedya at Moro-Moro at bago natapos ang 1800, ang sarsuwela.
Unang nagpalabas ng pelikula noong August 31, 1897, isang taon matapos ang rebolusyon. Dalawang mangangalakal na Swiso, sina Ginoong Leibman at Peritz, ang nagtayo ng isang movie hall sa No. 31 Escolta, malapit sa panulukan ng San Jacinto, na ngayon ay Tomas Pinpin Street sa distrito ng Sta. Cruz na sentro ng middle class na mangangalakal at residensiyal nuong panahong iyon. Ang mga serye ng film strips na ipinalabas ay tulad ng The Czar’s Carriage Passing Place de la Concorde, An Arabian Cortege, Snow Games, Card Players and A Train’s Arrival.
Dahilan sa maraming kinaharap na problema tulad ng pag-antala ng pagdating ng mga pelikula mula sa Europa at unti-unting paghina ng pagdalo ng mga tao sa panonood sa dahilang paulit-ulit na lamang ang pagpapalabas ng mga pelikula, natigil ang pagpapalabas sa mga huling araw ng Nobyembre 1897 at ang movie hall na itinayo nina Leibman at Peritz ay napilitang isara.
Ang pagpapalabas ng pelikula ay muling inulit nuong 1900 at ang unang nagtayong muli ng sinehan ay isang British na nagngangalang Walgrah na tinawag na Cine Walgrah sa No. 60 Calle Santa Rosa, Intramuros. Matapos ang dalawang taon, noong 1902, isang sinehan muli ang itinayo, sa Quiapo, na isang lugar na sentro na ng pangangalakal at residensiyal noon pang panahong iyon. Ito ay pag-aari ng isang mangangalakal na nagngangalang Samuel Rebarber. Tinawag niyang Gran Cinematografo Parisien ang naturang sinehan at ito’y nasa No. 80, Calle Crespo.
No comments:
Post a Comment