TAWA kami nang tawa sa presscon na ibinigay ng GMA 7 sa Kapuso Teen Princess na si Barbie Forteza para sa kanyang debut on July 31.
Nakakatuwa at nakakaaliw kasing sumagot ang dalaga sa mga tanong na ibinabato sa kanya. Pero in fairness, kahit na idinadaan ni Barbie sa komedya ang kanyang mga sagot, may laman naman ito at may sense.
Tulad na lang nang tanungin siya kung payag ba siyang magkaroon ng kissing scene sa ka-loveteam niya sa afternoon series na The Half Sisters na si Andre Paras ngayong 18 na siya.
Ang tugon ng Kapuso youngstar, kung magkakaroon man daw sila ng kissing scene ni Andre, kailangan daw paghandaan niya ito. Nakakahiya naman daw kung hindi siya prepared.
Kaya ngayon pa lang daw ay sabihin na sana sa kanya ng production ng The Half Sisters kung bibigyan sila ng intimate scenes ng binata.
Sey pa ni Barbie, “Kailangan ding magpa-dentist na ako para mas bongga, di ba? Ha-hahaha!” Na talagang ikinahagalpak din ng entertainment press.
Anyway, bumilib naman kami sa naging desisyon ni Barbie para sa selebrasyon ng kanyang debut. Ayaw daw magkaroon ng bonggang debut party ng dalaga dahil nanghihinayang siya sa gagastusin.
“Like every girl, excited ako at the thought of turning 18. Pero pwede bang mag-wish? Pwede po bang wala ng party?” ang sabi raw ni Barbie sa mga taga-GMA na plano pala siyang bigyan ng engrandeng celebration.
Ang hiling ni Barbie: ang ipa-renovate ang isang bahagi ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Diliman, Quezon City.
We’ve learned that she has been helping PCMC in the past 4 years and plans to continue sharing her blessings to the kids in the hospital.
Nakipag-participate si Barbie sa “Adopt-A-Room” program ng PCMC kung saan makikipagtulungan ang dalaga sa pagpapagawa ng isang lugar doon para gawing private room and once renovated and occupied, the proceeds of the room will go to “charity rooms”.
Ibig sabihin, makikinabang ang mga kapuspalad nating mga kababayan mula sa ibabayad ng mga kukuha sa charity rooms.
Si Barbie raw ang kauna-unahang celebrity na nag-participate sa nasabing charity program.
Bukod sa GMA Artist Center, nagpapasalamat din si Barbie sa ilan pang tumutulong sa kanya, tulad ng BNY, Unisilver Time, Posh Nails, BS Mobile, Fruitas, Belladona Bags, Megawide, Happy Haus Donuts, Cris-Carl Stuffed Toys, Megasoft Diapers, Chocovron, Jao Ming Glutathione, Rotary Club of Makati at Flawless.
Nang matanong kung ano ang kanyang birthday wish, “Matagal ko na po talagang gustung-gusto ng sasakyan, yung wild pick-up truck. Dream car ko po ‘yun noon pa.
Kasi parang ang sarap gamitin. Sana nga makabili na ako, sana payagan na ako ng parents ko!”
NInamin din ni Barbie na wala pa siyang nagiging boyfriend, choosy daw kasi siya.
Sey pa ng dalaga, “Ako kasi, gusto ko pa rin yung traditional way ng panliligaw. Ayoko nu’ng idadaan sa text. Tsaka ang laging sinasabi nina mama sa akin, kailangang mag-ingat ako sa pagpili ng guy, pero hindi naman sila istrikto pagdating sa bagay na ‘yan.”
Samantala, hindi pa natatapos ang The Half Sisters, meron nang kasunod na project sina Barbie at Andre, ito ang romantic comedy series na Dunk In Love na mala-Romeo & Juliet daw ang tema.