Friday, September 4, 2015

Alden super labs pa rin ni Maine kahit hindi dumating sa kanilang ‘tagpuan’








HINDI tinupad ni Alden Richards ang pangako niya kay Yaya Dub na sabay silang magre-rehearse para sa “Bulaga Pa More, Dabarkads Pa More” segment ng Eat Bulaga na magaganap bukas?

Kahapon kasi kumalat ang litrato ni Yaya Dub habang nakaupo sa isang sulok, may hawak siyang fan sign na may nakasulat na, “Akala ko ba magrrehearse tayo ng sabay? Wer na u? Dito na me.”

Napagkasunduan kasi ng magka-loveteam sa kalyeserye ng Eat Bulaga na sabay silang mag-rehearse para sa gagawin nilang production numbers sa Sabado, sila kasi ang maglalaban para sa wild card edition ng “Bulaga Pa More”.

Ngunit nang dumating daw sa Broadway Centrum si Maine ay wala pa si Alden. Dahil dito, nag-post nga ng isang litrato si Yaya Dub sa kanyang Instagram at Twitter account, na kuha mula sa eksaktong puwesto ni Alden habang nagpapalitan sila ng fan signs sa kanilang kalyeserye at hinahanap nga ang binata.

Nakatakdang magharap ang dalawa bukas ng tanghali sa wildcard edition ng “Bulaga Pa More” matapos silang nakakuha ng pinakamaraming likes sa Facebook sa lahat ng host ng Eat Bulaga na natalo sa weekly round.

Kung sino ang mananalo nga- yong Sabado ang siyang lalaban sa grand finals, kung saan makakalaban naman nila sina Paolo Ballesteros, Ruby Rodriguez, Ryzza Mae Dizon at Patricia Tumulak.

Mismong si Lola Nidora (Wally Bayola) ang nagsabing pwede nang lumaban uli si Yaya Dub sa “Bulaga Pa More” pero meron siyang tatlong kundisyon: Una, kailangang isama niya ang mga Rogelios sa kanyang production number at para bantayan na rin siya.

Pangalawa, hindi sila dapat magkita ni Alden sa studio ng Eat Bulaga, at ang pangatlo, hindi nila dapat kunin ang kanilang premyo. Si Lola Nidora na lang daw ang kukuha nito para ibigay sa isang pamilya na nasugod nila noon sa Juan For All, All For Juan.

Kahapon sa pagpapatuloy ng kalyeserye ng Eat Bulaga, ipinagdiwang ng AlDub ang kanilang 7th weeksary and as expected, nag-number one trending topic na naman ang #ALDUB7thWEEKSARY. At siyempre, nilanggam na naman ang buong bayan dahil sa kaswitan nina Alden at Yaya Dub

Maraming kinilig nang yakapin at halikan ni Alden ang standee ni Yaya Dub, dito na nga humataw sa tweet ang #ALDUB7thWEEKSARY hanggang sa mag-top trending topic na nga ito sa Pilipinas at 3rd naman worldwide.


No comments: