Monday, September 7, 2015

Alden, Yaya Dub may dalang epidemya sa Pinas; pati mga tsikiting nabiktima





Pinadadali nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) ang trabaho ng mga kolumnista. Tumutok ka lang sa kanilang kalyeserye ay puwede nang ‘yun ang lamanin ng kabuuang kolum, wala nang ibang kasahog, dahil sila ang in na in ngayon.

Kahit saan ka magpunta ay sina Alden at Yaya Dub ang itinatanong ng a-ting mga kababayan, ‘yun ang dahilan kung bakit namin sinasabing epidemya ang hatid ng AlDub, dahil pa-victim ang ating mga kababayan.

Isang tatlong taong-gulang naming apo ang nagtanong sa amin, hindi raw naman nagkita nu’ng Sabado nang tanghali sina Yaya Dub at Alden, kailan daw ba talaga sila magkikita?
Binubusisi kami ni Akira, apo namin sa pamangkin, talagang pati ang itsura ni Yaya Dub ay gayang-gaya nito habang kilig na kilig naman kay Alden.

Kuwento ng kanyang ina, “Hindi po siya nakikipaglaro kapag time na ng Eat Bulaga, lumalabas lang siya kapag tapos na ang show, walang palya niyang tinututukan ang kalyeserye.”
Ganu’n katindi ang AlDub. Pati mga batang dapat ay manyika ang hawak ay sila ang pinaglalaanan ng panahon, hindi pinalalampas ang kalyeserye, napakalaki ng kanilang impluwensiya sa mga bata.

Sa mga palengke habang nagtitilad ng paninda nilang karne ang mga tindera ay AlDub pa rin ang pinagkukuwentuhan. Nagtatanungan ang magkakatabing tindera kung kailan magkikita nang personal sina Alden at Yaya Dub.
Sabi ng kaibigan namin, “Magkakalaban sila sa hanapbuhay, pero nagkakasundo sila sa AlDub. Du’n lang.”



No comments: