Sunday, September 6, 2015

Kalat na: Bossing, Pauleen susunod na bibida sa KalyeSerye ng Eat Bulaga





KUNG papayag sina Vic Sotto at Pauleen Luna na sila naman ang magbida sa susunod na kalyeserye ng Eat Bulaga, tiyak na susubaybayan din ito ng milyun-milyong dabarkads sa buong mundo.

Lalo na nga ngayong malapit nang ikasal ang dalawa matapos ngang aminin ni Bossing on national TV na engaged na sila ni Poleng. Nagbiro kasi si Joey de Leon sa nakaraang episode ng Eat Bulaga na abangan daw ng publiko ang pagbibida nina Vic at Pauleen sa next kalyeserye ng noontime show.

Nabuksan ang nasabing topic nang mag-dialogue ang isang lola na maswerteng napili sa “Juan For All, All For Juan Sugod Bahay” segment ng Eat Bulaga ng, “Salamat po Bossing. Happy wedding Bossing!” na halatang ikina-gulat ng TV host-comedian.

Buwelta naman ni Vic kay Lola Nena, “Grabe naman. Masyado ka namang adelantada…Akala ko wala kang TV?” Tinuksu-tukso naman si Vic ng kanyang co-hosts na sina Sen. Tito Sotto, Joey, Allan K, Jose Manalo at Paolo Ballesteros.

Sabi ni Tito Sen, “Upda-ted ka ha, Aling Nena!” Dito na nga nagbigay ng suggestion si Joey na puwedeng gawing konsepto ng kalyeserye ang real-life love story nina Vic at Pauleen, “Oy, ‘yan nga pala ang susunod nating istorya sa kalyeserye.

Kapag nagkita na yung dalawa, si AlDub.” Hirit naman ni Vic, “Hindi…Sinisigurado ko lang, baka maunahan ako ng AlDub. Nahuli na sa biyahe, maunahan pa ako ng AlDub! Ano ‘to, ha?”

Sa nakitang reaksiyon ni Bossing ay halatang hindi talaga ito komportable pinag-uusapan on national TV ang kanyang pribadong buhay.

Kaya kung kilala nga natin ang komedyante, mukhang imposibleng pumayag itong magbida sa susunod na kalyeserye ng Eat Bulaga.

Wala si Pauleen noong Sabado sa noontime show ng GMA dahil nasa Amerika pa ito kasama ang kanyang nanay. Um-attend ng kasal ng isang kaanak sina Poleng at doon na rin siya pipili ng kanyang wedding gown.

Balitang sa December na magaganap ang kasalang Vic at Pauleen at isa itong Catholic wedding. Ayon sa kumakalat na chika, posibleng sa ipinapatayong bahay ng magkarelasyon sa Laguna gaganapin ang simple at intimate wedding ng dalawa.



No comments: