Saturday, September 19, 2015

Binasag ang sariling record: Unang date ng AlDub nakakuha ng mahigit 10-m Tweets





TULAD ng inaasahan ng milyun-milyong dabarkads, muling winasak nina Alden Richards at Maine Mendoza o Yaya Dub ang kanilang record na 6.3 million tweets para sa hashtag na #ALDUBTheAbudction ilang linggo na ang nakararaan.

Umaga pa lang kahapon, bago umere ang kalyeserye ng Eat Bulaga kung saan magaganap nga ang kauna-unahang date ng AlDub, ay nakapagtala na agad ng more than 3 million tweets ang hashtag #ALDUBMostAwaitedDate.

At pagkatapos na pagkatapos nga ng nasabing episode ay umabot na sa more than 9 million tweets ang nakuha ng #ALDUBMostAwaitedDate na talagang ikinatuwa ng buong production ng Eat Bulaga, lalo na nina Alden at Maine.

Inaasahang lalagpas pa ito ng 10 million pagkaraan ng 24 oras. Pero siyempre, hindi papayag si Lola Nidora (Wally Bayola) na basta na lang magde-date sina Alden at Yaya Dub, bago magkita ang dalawa,

dumaan muna sila sa “getting-to-know” game kung saan kailangan nilang sagutin ang 10 tanong nina Lola Nidora, Tidora (Paolo Ballesteros) at Tinidora (Jose Manalo).

Naglagay ng mga malalaking vase si Lola Nidora sa venue ng first date ng dalawa at sa bawat tamang sagot ng AlDub magmu-move on sila sa bawat vase na naroon hanggang sa marating nila ang eksaktong venue ng kanilang kauna-unahang date.

In fairness, sa 9 tanong,  dalawa lang ang mali nila – sa tanong kung spicy o sweet, spicy ang sagot ni Maine habang sweet naman ang kay Alden.

Sa question naman kung maliwanag o madilim, maliwanag ang isinulat ni Maine habang madilim naman ang sagot ni Alden.
Tawa naman kami nang tawa nang tumambad kina Alden at Yaya Dub ang napakahabang lamesa na naka-set up sa venue ng kanilang date with matching standee pa ni Lola Nidora na tila security guard na nakabantay sa dalawa.

Isaw at barbeque naman ang kinain ng AlDub na may kasama pang wine. Tinangka ng dalawa na maglapit pero pinaalalahanan sila ng tatlong lola ang kanilang mga bilin.
Pero habang papalapit na sa isa’t isa, biglang tumunog ang alarm clock na nasa bag ni Yaya Dub – ibig sabihin, oras na para painumin ng gamot si Lola Nidora.

Nataranta si Yaya Dub at nag-aalala sa kanyang lola kaya mabilis siyang umalis at iniwan si Alden.

Hindi na narinig ni Yaya ang sinabi ni Lola Nidora na huwag siyang alalahanin at ituloy lang ang date nila ni Alden kaya dire-diretso siya sa sasakyan at nagpahatid na sa driver pabalik sa kinaroroonan ni Lola Nidora. Pero ilang sandali lang, may narinig na busina at malakas na tunog na tila pagbangga ng isang sasakyan.

Naaksidente nga ba si Yaya Dub? Ano ang gagawin ni Alden sakaling may masamang nangyari sa kanyang minamahal? Yan ang kailangan n’yong tutukan sa Lunes sa pagpapatuloy ng kalyeseryeng kinababaliwan ng milyun-milyong dabarkads sa buong mundo.

Samantala, habang sinusulat namin ang balitang ito, umabot na nga sa 10 million tweets ang #ADLUBMostAwaitedDate. At talagang nagpiyesta ang AlDub nation sa buong mundo dahil record-breaking na naman ang nasabing episode ng kalyeserye.

Agad na nag-post si Alden sa kanyang Twitter para magpasalamat sa mga Pinoy, “Ha-hahahaha! 10M tweets!!! #AlDubnation kayo na!!! Maraming maraming salamat talaga sa inyo wooohoooo!!! #ADLUBMostAwaitedDate!”
Ito naman ang agad na ipinost ni Yaya Dub pagkatapos nilang magkita ni Alden, “Isa itong Serye sa Kalsada, isang kwento at yun ang ating dapat abangan kung ano nga ba ang nangyari kay Yaya Dub!”



No comments: