Thursday, July 23, 2015

Sabunutan, sampalan nina Jodi at Angelica sa ‘PSY’ kasado na


As expected, muling nag-trending sa social media ang paglabas ni Amor Powers (Jodi Sta. Maria) sa pagtatapos ng Monday episode ng Primetime Bida series na Pangako Sa ‘Yo na pinagbibidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Naging number one trending topic sa Twitter ang Pangako Sa ‘Yo, partikular ang hashtag #PSYAngPaglabas.
Ito yung eksena kung saan ipinakilala si Amor Powers sa isang musical play bilang isa sa mayayamang benefactors ng isang foundation na tumutulong sa mga mahihirap.
Nandoon din sa audience sina Gov. Edurado Buenavista (Ian Veneracion) at asawa niyang si Madam Claudia (Angelica Panganiban) dahil ang kanilang anak nga na si Lia (Andrea Brillantes) ang gumanap na lead star sa nasabing musical play.
Kasali rin sila sa mga nag-donate sa foundation. Inaasahan na mas tataas pa ang rating na nakukuha gabi-gabi ng Pangako Sa ‘Yo kapag nagkrus na ang landas nina Amor Powers at Madam Claudia, at kung paano muling mai-in love sa kanya si Eduardo.
Siguradong umaatikabong tarayan, sampalan, sabunutan at kung anu-ano pang sakitan ang magaganap sa pagitan nina Amor at Claudia.
At siyempre, mas marami pang dapat abangan ang KathNiel fans sa PSY dahil sa mga susunod na episode ng serye, tiyak na magugulat ang lahat sa mga eksena nina Yna (Kathryn) at Angelo (Daniel).
Kuwento ni DJ noong huli namin siyang makachika, kumbaga, parang nagsisimula pa lang ngayon ang Pangako Sa ‘Yo dahil napakarami pang pasabog ng bawat karakter sa kuwento.
Kasama pa rin sa Pangako Sa ‘Yo sina Diego Loyzaga, Joem Bascon, Amy Austria-Ventura, Ronnie Lazaro, Sarah Carlos, Bernard Palanca, Jan Marini, Sunshine Garcia at marami pang iba.


No comments: