Tuesday, September 29, 2015

Joey pinatulan ang mga patutsada ni Lea



WALA pa ring sawa ang milyun-milyong dabarkads sa pagtutok sa nangungunang programa ngayon sa Pilipinas, ang laging trending sa social media na Eat Bulaga.
Pagkatapos gumawa ng kasaysayan sa mundo ng social media ang kalyeserye ng EB noong Sabado kung saan nakakuha ito ng 25.6 million tweets, nakuha rin nito ang pinakamataas na rating para sa isang noontime show.

Pumalo sa 45.7% ang nakuhang rating ng Eat Bulaga sa Mega Manila last Saturday base sa survey ng AGB Nielsen habang 37.2 naman ang naitala nito sa NUTAM.

At kahapon nga, muling inabangan ng mga Pinoy sa buong bansa ang kalyeserye nina Alden Richards at Maine Mendoza o Yaya Dub. Noong Sabado, pagkatapos dumalaw ni Alden kay Yaya ay narinig na sumigaw si Lola Nidora (Wally Bayola) ng, “Alden!” at halatang galit ito.

At totoong masama nga raw ang loob ni Lola Nidora, ayon mismo sa mayordoma nitong si Rihana (si Wally din). Sinabi nito kina Lola Tidora (Paolo Ballesteros) at Lola Tinidora (Jose Manalo) na galit na galit nga ang kanyang amo umaga pa lang.

Ipinakita naman si Yaya Dub na pinagagalitan. At nang dumating na sina Lola Nidora at Yaya Dub, ki-nabahan ang lahat dahil pag-entrada pa lang nito ay kontrabidang-kontrabida na ang drama nito habang nanlilisik ang mata.
Agad niyang tinawag si Alden. Pero bago pa siya nakapagsalita uli, kinantahan na agad siya ng AlDub at nag-sorry sa kanya. Inakala kasi nila na pagagalitan sila sa aksidenteng paghahawak nila ng kamay noong Sabado nang mabulunan si Yaya at bigyan ng tubig ni Alden.

Kumalma naman ang lahat nang sabihin ni Lola Nidora na kaya siya nagagalit ay naiwan daw kasi ni Alden ang dapat sanay mga pasalubong na pagkain para sa mga tao sa studio.

Napaamo naman si Lola Nidora pagkatapos na sabihin ng kanyang mga kapatid na dapat ay good vibes lang sila lagi. Muli namang na-excite ang audience nang muling magsalita si Yaya Dub.

Binanggit niya ng ilang ulit ang mga katagang “Aldub you” at “MaAlden kita” habang kinakantahan siya ni Alden. Nasambit din niya ang, “Thank you Alden, thank you” at ang sinigaw din niya last Saturday na “This must be love!”

Dahil walang mike na hawak si Yaya Dub ay maaa-ring dubsmash pa rin ito, pero posibleng gamit na ang totoo niyang boses. Sa pagtatapos ng episode kahapon, ay biglang may tumawag kay Tinidora na talagang ikina-shock niya. Sino kaya ito? Posible kayang ito na ang magiging third party sa tambalang AlDub? Abangan!
Nagbigay ng reaksiyon si Joey de Leon sa diumano’y “kababawan” post ni Lea Salonga tungkol sa AlDub.
Mainit pa ring pinag-uusapan ngayon sa social media ang post ni Lea na, “Okay lang sa akin ang kababawan, pero hanggang doon na lamang ba tayo? #NagtatanongLangPo.” Marami ang naniniwala na ang AlDub ang tinutukoy dito ng singer-actress.

Nilinaw ni Lea na hindi sina Alden at Maine ang tinutukoy niya, pero hindi ito pinaniwalaan ng ilang dabarkads. Ipinost kasi ni Lea ang kanyang tweet habang umeere ang kalyeserye ng Eat Bulaga.

Siyempre, hindi nakaligtas kay Joey ang isyung ito kaya sinagot niya ang tweet ni Lea. Aniya, “Hindi naman pala daw AlDub pinatatamaan ni Lea. Baka naman yung kabila? Nagtatanong lang po.”

Dugtong pa ng TV host-comedian, “Baka naman yung tuwit ni Lea ‘in General’ kaya kay General na lang sya magpaliwanag.” Nagtanong pa nga siya sa kanyang followers ng, “Ano masasabi nyo sa mga taga-shobiz na nagsasabi na HINDI sila pamilyar sa Aldub? Nagse-survey lang po. #ALDUBandPROUD!”

Narito pa ang sunud-sunod na tweets ni Joey, “Tama na yang pagtatalo. Magkakapatid tayo. Paliwanagan lang yan. Maliwanag na 25.6 million ‘di ba? Okay, PEACE, este PIECE, maliit na bagay.

“Give me Twenty-Five Million, Six Hundred Thousand reasons why I should NOT watch Kalyeserye! Bigyan ako ng Dalawampu’t Limang Milyon, Anim na Raang Libong dahilan bakit may ‘kababawan’ ang Kalyeserye. Baka KABEBEWAN!”

“Wala pong kinalaman ang Eat Bulaga sa nagaganap na kompetisyon sa TV ngayon. Isang portion lang po namin ang kalaban nila.”



No comments: