Monday, November 17, 2014

Cristine Reyes buntis kay Ali Khatibi


‘Buti hindi pinalaglag ni Cristine ang bata!

Bago pa ba naman ang pag-amin ni Cristine Reyes na nagdadalantao siya? Ilang beses na ba nating nababasa sa maraming kolum ang kuwento tungkol sa kanyang kalagayan ngayon?
Mas nakumpirma pa ‘yun nang maglabas ng retrato ang kanyang kapatid na si Ara Mina sa social media, napakalaki ng umbok sa kanyang tiyan, pero walang anumang sinabi si Cristine tungkol du’n.
Ang bawat bata ay biyaya ng langit, pinaninindigan ang pagdadalantao at hindi ipinagkakaila, kaya salamat dahil itinuloy ng aktres ang kanyang pagdadalantao.
Maraming babaeng personalidad na hindi kinayang ipagpalit ang kanilang karera sa pagdadalantao, sa halip na buhayin ang sanggol na produkto ng kanilang pagiging mapusok ay ipinaaalis nila ‘yun, huwag naman sanang dumating ang pagkakataong gusto na nilang magkaanak pero ayaw na silang bigyan ng kapalaran.
Hindi man ipinagmamakaingay ni Cristine ay maraming nakakaalam na ang mixed martial arts expert na si Ali Khatibi ang ama ng kanyang dinadala.
Maganda ang kanilang magiging produkto dahil maganda si Cristine at guwapo naman ang kanyang boyfriend. Sana’y maging maayos ang pagdadalantao ni Cristine.
Sa paglalabas ng kanyang baby ay mauunawaan na ni Cristine Reyes kung gaano kasarap at kahirap ang maging ina.

No comments: