Thursday, October 8, 2015

Alden ilang araw mawawala sa Bulaga; babalikan si Yaya ‘sa tamang panahon





NAPAKARAMING kompromiso ngayon na kailangang tuparin ni Alden Richards. Halos wala na siyang panahon para sa kanyang sarili, palagi siyang nasa harap ng mga camera kundi man bumibiyahe, kung puwede lang sana niyang hatiin sa maraming parte ang kanyang katawan.

‘Yun ang pinoproblema ngayon ng TAPE, Incorporated, dapat nilang iayos ang schedule ng tinaguriang Pambansang Bae, para hindi maapektuhan ang kanilang tambalan ni Yaya Dub.

Kapansin-pansin na sinuman sa AlDub ang wala sa kalyeserye ay nalulungkot ang kanilang mga tagasuporta, iba ang kapaligiran kapag nagpapalitan sila ng kanta, malayuan man ay ramdam na ramdam ng mga kababayan natin ang sobrang kilig.

Balita kasing ilang araw na mawawala si Alden sa kalyeserye ng Eat Bulaga. Bukod sa shooting ng pelikula nina Bossing Vic at Ai Ai delas Alas kung saan sila kasama ni Maine Mendoza ay pupunta pa siya sa Japan para sa promo ng GMA-Pinoy TV.

Paano na nga naman ang AlDub? Paano na si Yaya Dub? Gagawan kaya ng paraan ng TAPE, Inc. na kahit magkalayo sila ay tuluy-tuloy pa rin ang kanilang paglalambingan sa ere?

Hindi puwedeng tanggihan ni Alden ang mga nauna nang kompromiso ng GMA 7 para sa kanya, kailangan niyang tuparin ‘yun, kaya parang lagare ngayon ang kanyang schedule.
‘Yun ang pinakamahirap na parte ng pagiging sikat, wala nang sariling oras ang personalidad, halos buong panahon niya ay para na sa publiko.

Pero walang angal si Alden Richards, dahil matagal na panahon niyang hinintay ito.

No comments: