Sunday, September 13, 2015

Alden, Yaya Dub ‘naghalikan’ na sa kalyeserye, dabarkads kilig na kilig





PAMBANSANG Bae, Pambansang Dimples at ang tinitiliang leading man ni Yaya Dub—walang dudang si Alden Richards na nga ang isa sa pinakasikat na Kapuso actor ngayon.
Sa sikat na kalyeserye ng Eat Bulaga, tila walang humpay ang pagbibigay ng matinding pagsubok sa kanya ni Lola Nidora (Wally Bayola).

Samantala, kahapon umaga pa lang ay nasa number one spot na agad ang #ALDUBTheAbduction para sa Saturday episode ng kalyeserye ng Eat Bulaga na pinagbibidahan pa rin ng AlDub.


Dito, muling nagkita nang mata sa mata sina Alden at Yaya Dub matapos silang kidnapin ng mga nakamaskarang lalaki. Nabuking na si Durriz (apo ni Lola Nidora, na parehong ginagampanan ni Wally) pala ang nasa likod na pagdukot sa AlDub.

Galit na galit ito kay Yaya Dub dahil sa matinding inggit. Palagi na lang daw siya ang iniintindi at pinapansin ni Lola Nidora at ang pinakamatinding dahilan ng padukot niya sa dalaga ay dahil sa pagmamahal sa kanya ni Alden.
Gagawin daw niya ang lahat para mapunta sa kanya ang binata. Sa kanya lang daw si Alden. Sa pagpapatuloy ng kuwento, nagkita muli ang dalawa nang tanggalin ng mga kidnapper ang kanilang mga piring pero nanatili lamang sila sa loob ng van.

Dito muling kinilig ang manonood dahil kitang-kita sa itsura ng dalawa ang matinding pagka-miss sa isa’t isa. Pero sabi nga ni Durriz, hindi siya papayag na maging maligaya ang mga ito.

Piniringan niya uli ang mga ito saka pinababa sa van. Patuloy niyang nilandi-landi si Alden habang inookray si Yaya.

At dito na nga naganap ang “kissing scene” ng dalawa. Ha-hahaha! May kinuhang plastic cup si Durriz na may lamang iced coffee at saka pinasipsip si Alden.

Pagkatapos nito ay nilapitan naman niya si Yaya at ito naman ang pinasipsip. Talagang naghiyawan ang audience na akala mo’y tunay na naghalikan ang dalawa. Ha-hahaha!
Matapos ito, muling pinasakay ni Durriz si Alden sa van at inutusan ang kanyang mga tauhan na dalhin na muli sa kanilang hideout ang binata.

Naiwan si Yaya Dub sa parking lot hanggang sa dumating na sina Tinidora at Tidora. Kinunsensiya nila ang apo na si Durriz kaya napilitan itong mag-sorry kay Yaya Dub at inaming hindi siya masaya sa ginagawa niyang pagpapahirap sa kanila ni Alden.

Nagdesisyon na lang na umalis si Durriz at hayaan na sina Yaya Dub at Alden. Dito na nakatanggap ng tawag sina Tinidora at Tidora, may nangyari raw kay Lola Nidora matapos itong mahimatay at isakay sa ambulansiya.
At diyan na natapos ang episode kahapon ng kalyeserye ng Eat Bulaga. Kaya abangan n’yo na lang sa Lunes ang susunod na kabanata.



No comments: