Wednesday, November 26, 2014

Alwyn wala pang balak buntisin si Jennica pero nakabuo agad ng baby

Malapit na ngang maging lolo at lola sina Jigo at Jean Garcia dahil magdadalawang buwan nang nagdadalantao ngayon ang kanilang anak na si Jennica sa kagandahang-loob ng kanyang mister na si Alwyn Uytingco.
Nu’ng huli naming makakuwentuhan ang batambata pang mag-asawa ay wala pa silang gaanong interes sa pagkakaroon ng anak. Tama na raw na natupad na ang kanilang pangarap na makapagpakasal na dahil wala na silang kawala sa isa’t isa.
Pero ang pagdating ng sanggol sa bawat mag-asawa ay isang malaking biyaya, dalawang-kamay ‘yun na tinatanggap ng mga nagmamahalan, dahil hindi lahat ng tulad nila ay nabibiyayaan ng sanggol.
Walang katumbas na kahit magkano ang kaligayahan ngayon nina Alwyn at Jennica, isang sanggol na inaabangan na nilang isilang ang kukumpleto sa kanilang pagsasama, napakasuwerteng bata dahil produkto ito ng isang masarap na pagmamahalan ng kanyang mga magulang.
Ang maganda sa relasyon nina Alwyn at Jennica ay nasa gitna ng kanilang pagmamahalan ang Panginoon. Dati na siyang malapit sa Diyos, pag-amin ng magaling na batang aktor, pero mas nakilala pa niya ang Panginoon nang maging sila na ni Jennica.
Humihiling ng panalangin ngayon ang mag-asawa na samahan sila sa panalangin na sana’y maging maayos ang pagdadalantao ni Jennica. Isang mapayapang siyam na buwan ng pagdadalantao sa batambatang nanay.


No comments: