Tuesday, November 3, 2015

Twitter account ni Maine na-hack; salarin umamin agad sa kasalanan





GALIT na galit ang napakaraming fans nina Alden Richards at Maine Mendoza matapos makarating sa kanila ang balita na na-hack ang Twitter account ni Yaya Dub kahapon ng madaling-araw.

Nagulat ang milyun-mil-yong followers ni Maine nang mabasa ang ilang kahina-hinalang posts sa account ng dalaga tulad ng, “#AnonPH #Anonymous #MillionMaskMarch #MMM2k15!”

Dito na nagsimula ang pagkaimbiyerna ng AlDub nation kaya agad kumilos ang ilan sa kanila para ma-locate kung sino ang posibleng nang-hack sa account ni Yaya Dub.Ilang sandali lang ay nag-post uli sa account ni Maine ang hacker at nagpakilalang siya si “Anonymous Philippines”.

Sinundan pa ito ng isa pang post nagsasabing: “Sorry po if napadaan kami sa account ni yayadub, ibabalik din namin to sa tunay na may-ari…!” Habang isinusulat namin ang balitang ito ay hindi pa naibabalik ang tunay na account ni Maine kaya nanawagan ang ilang AlDub followers na ibalik na ng hacker ang real Twitter account ng ka-loveteam ni Alden Richards.

Ayon naman sa nabasa naming statement mula sa Twitter account na AlDub Statistics, siniguro nito na maaayos ang account ni Maine, anito, “Rest assured, Twitter be returning the account to Maine. They just need to make sure no one else would be able to access it aside from her.”

May nag-comment namang netizens na tila tumugma sa hashtag ng Eat Bulaga kahapon na #ALDUBTheVisitor ang pangha-hack sa Twitter account ni Maine. Sey naman ng isa pang AlDub fan, dapat managot ang taong nasa likod ng pangha-hack sa account ni Yaya Dub. Isang krimen daw na maitutu-ring ang ginawa nito.

Isa lamang si Maine sa mga sikat na celebrities na nabiktima ng mga hacker sa social media, at hindi na ito nakapagtataka dahil isa nga siya sa itinuturing na fastest-growing Twitter accounts sa buong mundo, kung saan ka-level niya ang mga Hollywood superstar na sina Taylor Swift, Katy Perry at Ellen DeGeneres.

May 2.4 million followers sa Twitter si Yaya dub. Samantala, mabilis namang kumalat sa social media kahapon ang isang larawan kung makikita ang unang “beso-beso” nina Yaya Dub at Alden. Talagang kinilig ang AlDub nation nang makita nila ang litrato.

E, kasi nga, first time nilang nakita na nag-cheeks-to-cheeks ang dalawa na hindi pa nila nagagawa sa kalyeserye ng Eat Bulaga. Hanggang yakapan at holding hands pa lang ang dalawa.
Kung hindi kami nagkakamali, nangyari ito sa shooting ng kanilang 2015 MMFF entry na “Pabebe Love: #Kilig Pa More” kung saan makakasama rin nila sina Vic Sotto at Ai Ai delas Alas.

May mga nakita rin kasi kaming litrato nina Maine at Alden na kuha sa kanilang shooting kung saan pareho ang kanilang suot sa kumalat na “beso-beso” picture.

No comments: