Thursday, October 15, 2015

Alden, Yaya Dub kayang-kayang paiyakin at pakiligin ang milyun-milyong Pinoy




Habang umeere ang kalyeserye nu’ng Miyerkules nang tanghali ay hindi magkamayaw ang mga kaibigan at anak-anakan naming tagasuporta nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Madrama kasi ang tagpo, kailangang umalis ni Yaya Dub, magbabakasyon muna ito sa kanyang Lola Bebeng ayon kina Lola Nidora (Wally Bayola) at Lola Tinidora (Jose Manalo).

Nasa ganu’ng paghahabilin ang dalawang lola sa kanilang apo nang tumatakbong ipinakita si Alden, pero huli na ang lahat, nakasakay na sa van si Yaya Dub para ihatid sa bahay ng kanyang Lola Bebeng.

Ipinakitang malungkot na malungkot sina Alden at Yaya Dub habang naglilitanya si Lola Nidora tungkol sa pag-ibig.
Grabe ang pagluha ni Alden, lalong lumutang ang kanyang kaguwapuhan at ang galing niyang umarte, hindi basta guwapo lang ang tinaguriang Pambansang Bae.

May nagte-text sa amin na kasabay sa pagluha ng AlDub, meron namang humahalakhak habang nakikiiyak kina Alden at Yaya Dub, grabe ang lungkot ng mga tagahanga ng loveteam nu’ng Miyerkules nang hapon.

At si Tina Roa, ang dakila naming PA, basta umiiyak na sina Alden at Yaya Dub ay iyak na rin nang iyak.
Ewan daw niya kung bakit, basta awang-awa raw siya sa dalawa, kahit hindi niya naman naiintindihan ang buong istorya.

Nakakaloka ang tambalang ito. Hagip na talaga nila ang lahat ng antas ng lipunan, hawak na nila sa leeg ang ating mga kababayan, sa totoong-totoo lang.

No comments: