Sunday, September 27, 2015

Sigaw ni Yaya Dub kay Alden: It must be Love!





“LOVE is in the air” ang naging tema ng kalyeserye ng Eat Bulaga kahapon. Buong mundo na naman ang tumutok sa unang pag-akyat ng ligaw ni Alden Richards kay Yaya Dub (Maine Mendoza) sa mismong mansion mismo nila Lola Nidora (Wally Bayola).

At tulad ng inaasahan winasak na naman ng AlDub ang kanilang record sa Twitter bilang Social Media King and Queen. Nilagpasan pa nila any 12 million tweets na nakuha ng kanilang #ALDUBMostAwaitedDate last Saturday.

Habang sinusulat namin ito, nasa mahigit 23 million tweets na ang nakukuha ng #AlDubEBforLove episode ng kalyeserye kung saan nga naganap ang unang selfie at unang subuan nina Alden at Yaya Dub.

Umaga pa lang kahapon ay nasa mahigit 10 million tweets na ang #AlDubEBforLove, at nang magsimula na ang episode bandang 1 p.m. ay mas bumilis pa ang pagtaas ng mga nagtu-tweet tungkol sa pag-akyat ng ligaw ni Alden kay Maine.

Maging ang mga bida ng kalyeserye ay hindi maitago ang excitement at kaba sa mga magaganap. “Oh my thiz izzzz eeet! Ano kayang mangyayari mamaya? Excited na ba kayo? (…kasi ako,sobra! Secret lang ha! :)) #ALDubEBforLOVE” ang tweet ni Yaya Dub bago nagsimula ang Kalyeserye.

Si Alden naman ay nag advance na ng pasasalamat sa lahat ng susubaybay na fans nila. Sa panimula ng Eat Bulaga, hinarana muna ni Alden si Yaya Dub nang live sa studio with their trademark love song na “God Gave Me You” ni Bryan White.

Napaiyak pa nga ang binata at sobrang nagpapasalamat sa fans pero aniya, “Sobrang nagpapasalamat ako sa mga fans pero inaalay ko muna to kay Meng.”
Ang pagkanta ni Alden ay isa sa tatlong kundisyon ni Lola Nidora para sa pag bisita niya sa mansyon kahapon. Tinupad din ni Alden ang isang wish ni Lola Nidora na magdala ng chicharon, isang bilao pa nga ang bitbit ng binata.

Pagdating ni Alden sa mansion ay binati naman siya at pinapasok agad ni Rhianna (si Wally din) ang mayordoma sa bahay ni Lola Nidora. Halata naman ang kilig ng dalawa nang bumaba na si Maine mula sa kanyang kwarto.

Medyo may eksena pa na nagsisigaw si Lola Tidora (Paolo Ballesteros) kasi naririnig daw niya na nag-uusap at nagkakamustahan ang dalawa. Nahuli pang nagpupunas ng pawis si Alden na halatang kinakabahan.

Ingat na ingat din siya sa kanyang kilos dahil ayaw niyang suwayin ang no touch rule ni Lola kahit panay ang tulak sa kanya ni Lola Tinidora (Jose Manalo).

Siniguro naman ni Lola Nidora ang 1 foot apart at no touch rule niya. May dala pa siyang panukat para dito. In fairness, kung sa splitscreen na dubsmash ay kinikilig na ang manonood, mas tumodo pa ito nang harap-harapan na silang mag-lipsync with their other theme songs.

Halos hindi makatingin nang diretso si Meng kay Alden, halatang may halo na itong hiya at kilig.
Bantay-sarado talaga sila kay Lola Nidora pero nang magmeryenda na ay iniwan din sila ng tatlong lola, kaya kahit paano’y nagkasarilinan sila.


Mas malapit na rin sina Alden at Yaya Dub sa isa’t isa at nagsubuan pa ng cake. Sweet kung sweet ang dalawa. Pero habang kumakain ay nabulunan si Yaya Dub kaya agad siyang inabutan ng tubig ni Alden.
Di sinasadya ay naghawak ang mga kamay nila ng ilang ulit na talagang kinakilig ng sambayanan. Intimate date talaga ang naganap, dahil kahit hindi naririnig ay halatang nag-uusap ang dalawa habang kumakain.

Maya-maya ay lumabas naman si Rihanna. Nakipag-selfie ito kina Alden at Yaya Dub. Pagkatapos ay ni-request naman ni Alden na sila naman ni Yaya ang mag-selfie. Dito na nga nakunan ang first selfie ng AlDub. At kahit magkadikit na sila, maingat pa rin si Alden na huwag hawakan si Maine.

Natapos ang maliligayang sandali ng dalawa dahil sinabi ni Lola Nidora na kailangan na niyang mag-siesta. Bago umalis, ay may inabot si Yaya Dub kay Alden na personal na sulat.
Napasigaw uli si Lola Tidora at binuking na nakasulat raw ang tunay na pa-ngalan ng binata sa envelope. Bago umalis isang face-to-face na flying kiss ang pinakawalan ng AlDub sa isa’t isa.

At sa huling eksena na talagang ikinagulat ng lahat – nagsalita na talaga si Yaya Dub at nagsabing, “It must be love!” Narinig naman na sumigaw si Lola Nidora ng “Alden” pero di na nalaman pa kung bakit at kung ano ang kanyang nakita.

Kaya si-guradong may aabangan na naman sa Lunes ang milyun-milyong dabarkads sa mas lalo pang tumitinding mga tagpo sa kalyeserye ng Eat Bulaga. Samantala, inaasahan naman ng AlDub nation na papalo sa 25 o 26 million tweets ang #ALDubEBforLOVE sa loob ng 24 oras.



No comments: