Friday, November 20, 2015

Maine palaban, handang gawin lahat para hindi maagaw ni Cindy si Alden




Buhay na buhay ang kalyeserye nu’ng nakaraang Huwebes. Hindi na naman magkamayaw sa pagkakilig at paghahampasan ang mga tagahanga nina Alden Richards at Maine Mendoza dahil sa bagong takbo ng daloy ng kuwento ng kanilang tambalan.
Riot ang eksena nang habang nagde-date sina Alden at Yaya Dub ay biglang sumulpot sa studio ang Russian model na si Cindy Kournikova, ito ang inirereto ni Lola Babah (Ai Ai delas Alas) sa kanyang guwapong apo, na pinagseselosan ni Yaya Dub.
Palaban si Maine, talagang nakipagtagisan pa siya sa pagrampa ng Russian model, nakakaaliw ang mga kalokahan ni Yaya Dub. Nandiyang umakyat siya sa table ng mga hosts, nandiyang kumembut-kembot siya, napakanatural ng babaeng ito.
Nang tumawag si Cindy kay Alden ay todo ang pag-iwas ng Pambansang Bae, “No, don’t go to the studio, it’s closed!” Nang magpilit ang babae ay nagkunwari pang maysakit si Alden, “No, I’m not in the studio, I’m home, I’m sick,” sabay banat ng pag-ubo-ubo.
Isang bagong atake na naman ito para sa kaligayahan ng AlDub Nation. Ang pag-angkin ni Yaya Dub kay Alden ay sinusuklian nang matinding palakpakan at pagkakilig ng kanilang mga tagasuporta.
Ipinaglalaban naman ni Alden si Maine, payakap-yakap pa ito sa dalaga, kaya para na namang trumpo sa pagkakilig ang kanilang mga tagahanga.
Ilang araw na walang pasok sa opisina ang aming mga kaibigan dahil sa APEC Summit, natutukan nila nang husto ang kalyeserye, pabiro pa nilang si-nabi na sana’y APEC araw-araw para makapanood din sila ng kalyeserye araw-araw.



No comments: