Thursday, November 12, 2015

Alonzo Muhlach kay Ryzza Mae: Di ko siya crush…friends lang kami!




MUKHANG kulang sa tulog o hindi maganda ang gising ni Alonzo Muhlach nang umapir sa presscon ng “Wang Fam” kahapon. Parang tamad na tamad kasi itong sumagot sa mga tanong ng press.

Sa one-on-one interview kay Alonzo kasama ang ilang entertainment press at editors ay napansing medyo pataray ang mga sagot niya kaya kaagad naming tinanong ang bagets kung kulang ba siya sa tulog o kung inaantok siya.
Kaagad namang sumagot ang bata ng, “Hindi po.” In fairness maski na wala sa mood si Alonzo ay palagi pa ring may “po” at “opo” ang kanyang mga sagot.

Tinanong namin siya kung feeling ba niya ay sikat na siya, “Opo, kasi nagka-‘Wang Fam’ pelikula na ako. Artista po kasi kami,” katwiran ng anak ni Niño Muhlach.

Muling ikinuwento ni Alonzo na tinanong daw siya ng papa niya kung gusto niyang mag-artista, “Sabi ko po okay, kaya naging artista na ako,” sabi ni bagets.

Bakit gusto niyang mag-artista? “Para may money kami,” inosenteng tugon ng child star. Tinanong namin kung nasaan na ang money niya, “Nasa bahay po.” At nang biruin naming pupunta kami sa bahay nila para kumuha ng money ay biglang nag-tiger look si Alonzo na ikinaloka ng lahat.

At nakakaloka, dahil showbiz na showbiz na ring sumagot si Alonzo dahil sa tanong ng patnugot namin dito kung sino ang pinakamagaling umarte sa cast ng “Wang Fam”, lahat daw, sagot niya.

Sundot na tanong namin kung sino ang parating napapagalitan ng direktor nila sa movie na si Wenn Deramas o laging tinuturuan kung ano ang gagawin at pinauulit-ulit ang eksena, “Yung staff po,” sagot ng bagets kaya tawanan ulit ang lahat.

Sa mga artista, sino ang parating pinauulit ni direk Wenn ang acting, “Wala, wala po,” diin ulit ni Alonzo. Kaya tinanong namin kung sino ang nagturo sa kanya sumagot, “Wala, basta,” sa tonong parang tinotopak na ang bagets.
Natanong din si Alonzo tungkol kay Ryzza Mae Dizon, nagkita na ba sila uli, tumango naman ang bagets. At sa tanong namin kung type niya si Aling Maliit, “Bestfriend lang kami.

Hindi ko naman siya crush kasi friends lang kami. Wala pa akong crush,” pairap na sagot ng bunsong anak ni Niño. Samantala, dahil horror-comedy nga ang latest offering ng Viva Films, natanong ang buong cast ng “Wang Fam” na kung sakaling ma-stranded sila sa isang lugar na walang puno at walang makuhang pagkain ay sino ang una nilang kakainin.

Karamihang isinagot ng cast tulad nina Pokwang, Dyosa Po Koh, Attak, Candy Pangilinan at direk Wenn ay si Alonzo dahil nga bata pa, pero hindi ito nagustuhan ng batang aktor.
“Tao nga, bakit kailangang may kainan, tao nga,” pasigaw na sagot nito sa nagtanong. Pigil na pigil naman ang tawa nina direk Wenn at Pokwang.

Anyway, curious kaming mapanood ang “Wang Fam” sa Nov. 18 mula sa Viva Films dahil knowing direk Wenn, tiyak na puro katatawanan na naman ang ipinagawa niya sa buong cast.

Kasama rin dito sina Yassi Pressman, Abby Bautista, Andre at Benjie Paras.



No comments: