Wednesday, September 2, 2015

Pauleen inalok na ng kasal ni Vic; ibinandera ang engagement ring



USAP-USAPAN ngayon sa social media na engaged na raw ang TV host-actress na si Pauleen Luna sa boyfriend nitong si Bossing Vic Sotto.

Marami kasing televiewers at netizens ang nakapansin sa suot-suot ni Poleng na singsing na may malaki at kumikinang na bato sa isang episode ng Eat Bulaga kaya ipinalagay ng mga ito na mukhang nagkaroon na nga ng “secret engagement” ang magdyowa.

Nabasa namin ang makahulugang post ni Pauleen sa kanyang Instagram account noong nakaraang araw na kuha sa Perpetual Adoration Chapel na may caption na: “Thank Lord for all the blessings!” At karamihan nga sa mga nag-comment na followers ay nagtatanong kung engaged na sila ni Bossing.

Kahapon, nagsalita na rin si Vic tungkol dito. Inamin nitong engaged na nga sila ni Poleng sa isang presscon para sa kanyang bagong endorsement.

Pero aniya, malalaman ng publiko ang mga detalye sa kasal “sa tamang panahon”, tulad ng laging dialogue ni Lola Nidora sa kalyeserye ng AlDub.

Bago ito, nabasa na namin sa isang website a
ng post ng acting coach at dating aktres na si Beverly Vergel, na malapit din kay Pauleen – ito’y isang picture ng singsing na may malaking bato na ayon sa netizens may pagkakahawig daw sa suot na singsing ni Pauleen.

Mas lalong naghinala ang followers ni Poleng sa engagement nila ni Bossing nang lagyan pa ni Beverly ng caption ang kanyang post ng: “CONGRATULATIONS!!! I am sooo happy for you!!! It’s meant to be.

This love will last a lifetime.” Kung noon ay agad na sumasagot si Pauleen sa mga tanong ng kanyang social media followers kapag tinatanong tungkol sa relasyon nila ni Bossing, ngayon ay umiwas ang aktres.

Siguro’y napagdesisyunan nila ni Bossing na ito na ang magsasalita tungkol sa kanilang engagement.
Kung matatandaan, sinabi ni Poleng na mas gusto nila ni Vic ng isang simple at intimate na wedding, ayaw daw nila ng engrande.


Nu’ng matanong din namin ang TV host-actress tungkol sa balitang nagpapatayo na sila ni Bossing ng sariling bahay sa isang village sa Laguna ay super iwas na ito.

Sinubukan naming kunan ng komento si Pauleen ngunit hindi ito sumasagot. Sa pagkakaalam namin kahapon umalis si Pauleen patungong Amerika kasama ang kanyang ina, may dadaluhan daw kasi silang kasal ng isang kaanak doon.



No comments: