Wednesday, November 19, 2014

Julie Ann at Abra may relasyon?

INGAT na ingat sumagot ang Kapuso Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose sa mga bagong isyu sa kanila ng ex-screen partner na si Elmo Magalona, partikular sa pagtanggi umano ng binata na mag-guest sa kanyang first major concert na “Hologram: The Concert” na magaganap sa SM MOA Arena on Dec. 13, 2014.
Sa presscon na ibinigay sa kanya ng GMA Artist Center, sinabi ni Julie Anne na wala silang isyu ni Elmo at hindi siya nagtatampo sa binata kahit na hindi ito makapag-guest sa kanyang concert.
May chika kasi na napaiyak daw siya habang nagre-recording nang malamang hindi pwedeng umapir si Elmo sa concert niya. Pero paglilinaw ng dalaga, “Hindi po ako naiyak.
Siguro ‘yung sinasabi nila ay nu’ng nagre-record ako, baka ‘yung very heartfelt na pagkanta ko. Pero hindi naman po because of that. “I was informed din kasi na he’s busy kaya hindi siya pwede talaga.
And naisip din po namin na nandu’n na siya sa previous concerts ko so it would be better kung mag-invite ako ng ibang set of guests,” paliwanag pa ni Julie Anne.
Kung wala man si Elmo sa “Hologram”, bigatin din ang magiging special guests ni Julie Anne, nandiyan sina Abra, Christian Bautista, Sam Concepcion, at marami pang surprise guests.
In fairness, ito ang kauna-unahang concert hologram concert sa Pilipinas, sabi nga ni Julie Anne, opening number pa lang, hindi lang isa o dalawa o tatlong ng Julie Anne San Jose ang mapapanood ng madlang pipol kundi maraming-marami. Bukod pa yan sa iba’t ibang special effects na mapapanood on stage.
“Very proud po ako sa upcoming concert na ‘to. Aside from the technological advancements, inaasikaso rin namin ang iba pang mga detalye ng show na talaga namang dapat nilang abangan sa December,” anang singer-actress.
“Marami pa akong gustong ipakita sa fans ko na kaya kong gawin, at the same time, very passionate talaga ako sa ginagawa ko,” dagdag pa niya.
Ano ang feeling niya na sa wakas, matutuloy na ang matagal na niyang pangarap na makapag-show sa isang malaking venue? Tugon ni Julie Anne, “Dream come true po talaga, pero sabi ko nga, wala naman po sa laki o liit ng venue ‘yan, ang mahalaga maibigay mo ang best mo sa iyong audience, makapag-perform ka sa mga tao na siguradong masusulit ‘yung ibinayad nila.”
Julie Anne has come a long way since her career was launched in Popstar Kids, the singing competition which aired on the former GMA QTV in 2008. Since then, she has appeared in numerous TV series, variety shows, and films.
She also lent her voice to several theme songs for the programs and specials of the Kapuso Network. Ang “Hologram” ay produced ng GMA Network, Inc. at ng Tarroza Entertainment Productions.
Samantala, nang tanungin ang dalaga kung sino pa ang gusto niyang maging guest sa kanyang first major concert, unang nabanggit ni Julie Anne ang pangalan ni Lea Salonga .
“Kasi, siya talaga ang idol ko simula nang bata pa ako. I love her songs, I admire her professionalism, everything about her. At ang linis-linis niyang kumanta,” sabi ng Kapuso singer.
Isa pa raw sa gusto niyang makasama on stage ay si Gary Valenciano. Tungkol naman sa mga tsismis na may namamagitan na raw sa kanila ng isa sa mga special guest niya sa concert na si Abra, mariin itong itinanggi ni Julie Anne, magkaibigan lang daw sila ng magaling na rapper.
“Nagkikita kami sa trabaho, hanggang du’n lang, mabait siya, pero walang something between us. Hindi ko nga alam kung saan nanggaling ang balitang ‘yan,” chika pa ng dalaga.

No comments: