Thursday, September 17, 2015

Panahon ngayon ng AlDub, kapag uso ang pandesal, walang bumibili ng siomai.



May kuwento ang anak-anakan naming si July Panganiban ng Cake Of Hearts. Nagututro siya ng baking at cake making, marami siyang estudyante, pero kapansin-pansin na kapag lunch time na ay nagkakawalaan ang kanyang mga tinuturuan.
Dati raw naman ay hindi ganu’n ang sitwasyon, pagkakain ng lunch ay nagbabalikan na ang kanyang mga estudyante, kaya nagtataka siya kung ano ang pinagkakaabalahan ng mga ito.
Isang araw ay nagmanman siya, gusto niyang matuklasan kung ano ang nangyayari, natunton naman ni July ang dahilan.
“Nanonood pala sila ng Eat Bulaga, binabantayan nila ang kalyeserye, kasi nga, AlDub fans pala sila!
‘Yun pala ang reason kung bakit magsisimula na kami, e, wala pa rin sila.
“Kilig na kilig ang mga estudyante ko sa AlDub, talagang iba ang happiness nila pagkatapos manood ng kalyeserye. Kailangang gawan ng paraan ang schedule, kaya ang cake making nila ngayon, after kalyeserye na,” tawa nang tawang kuwento ng owner ng Cake Of Hearts.
Ibang klase nga ang epidemya ng loveteam nina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub) dito sa ating bayan at sa iba-ibang bansa man. Talagang hawak nila ngayon ang titulo bilang pinakasikat na tambalan.
Huwag na munang magtangkang magdiskubre ng makakatapat nila ang iba diyan dahil hindi sila magtatagumpay. Panahon ngayon ng AlDub, kapag uso ang pandesal, walang bumibili ng siomai.

No comments: