Tuesday, September 1, 2015

Coco sa mga bading na pulis: Hanga ako sa katapangan nila!




INAABAGAN na ng madlang pipol ang nalalapit na pagsisimula ng TV version ng classic FPJ film na Ang Probinsiyano na pinagbibidahan ng Teleserye King na si Coco Martin with Maja Salvador and Bela Padilla as his leading ladies.

Kambal ang magiging role ni Coco sa nasabing Primetime Bida series, ang isa ay magiging mabuting alagad ng batas ngunit mapapaslang agad ng kalaban at ang isa nama’y pinagkakatiwalaang miyembro ng SAF na siyang gagamitin ng pamunuan ng pulisya para mahuli ang pumatay sa kanyang kakambal.

At dahil nga kapulisan ang tema ng nasabing serye, sa nakaraang presson ng Ang Probinsiyano, natanong si Coco kung ano ang masasabi niya sa mga pulis na bading.
Sey ng Kapamilya actor, wala siyang nakikitang masama kung bading man ang isang pulis, “Sa tingin ko, walang problema du’n. Actually, kahanga-hanga nga po yon, eh.

Dahil siyempre, unang-una, hanggang hindi niya dinudumihan yung uniporme nila, hangga’t nirerespeto nila yung trabaho nila at ginagawa yung trabaho nila, wala pong problema do’n.”

Dagdag pa niya, “Kasi, iba naman po tayo sa trabaho natin at sa personal na buhay natin. Sa akin po, wala pong masama don sa mga ganung bagay.”

Natanong din si Coco kung nate-threaten pa ba siya kapag may dumarating na bago at mas batang aktor sa showbiz, lalo na sa ABS-CBN? “Kahit nu’ng nasa indie pa ako, hindi po pumapasok sa isip ko ang kompetisyon.

Basta ako, ginagawa ko kung ano yung tingin kong tama.”  Wala raw siyang nararamdaman ngayon kundi feeling blessed kaya puro pasasalamat na lang ang ginagawa niya, “At paano ako napagpapasalamat? Siyempre, dapat tumulong din ako sa mga taong nagsisimula na kagaya ko noon.

Kasi, sabi ko nga, nu’ng nagsisimula ako, maraming mga taong tumulong sa akin. “So, bakit hindi ko ise-share ‘yon? Kumbaga, ito yung pagkakataon na mai-share ko kung anuman yung mga blessings na nakukuha ko ngayon sa buhay ko,” aniya pa.

“Ano bang mapapala ko kung makikipag-compete ako? Bakit hindi ko na lang i-share kung ano yung talentong nalalaman ko sa kanila. Kaya ganu’n ang ginagawa ko nga- yon sa mga nakababatang artista sa akin.

“Masarap kasi sa pakiramdam kapag may mga taong na-appreciate ka, kapag nakakatulong ka. Eh, ano pa bang hahangarin ko sa ngayon? Sobra-sobra na po kung anong meron ako ngayon… sobra na po para sa akin,” paliwanag pa ng Teleserye King.

Samantala, makakasama rin ni Coco sa Ang Probinsiyano si Ms. Susan Roces na gaganap na lola niya sa serye, at inamin ni Coco na kahit sa tunay na buhay ay parang maglola na talaga ang turingan nila ng biyuda ni FPJ.
“Nakikita ko talaga na para ko siyang lola. May panahon ako sa kanila para kumustahin sila, para makipagkuwentuhan sa kanila, alagaan sila sa set.

Kasi, sabi ko nga napaka-thankful ko na nandiyan sila para sa akin, para tulungan ako at suportahan,” ani Coco. Hiningi na ba ng veteran actress ang suporta niya para sa pagtakbo ng anak nitong si Sen. Grace Poe sa 2016 elections? “Sa akin po, hindi po sa akin pamantayan na parang…at klaro po sa amin ni Tita Susan yon.

Sa totoo lang po, walang halong kasinungalingan, pero never naming pinag-usapan kung tutulungan ko ba siya o hihingi siya sa akin ng tulong. Kapag nag-uusap po kami ni Tita Susan, about sa personal na buhay, about sa trabaho namin.
“Kasi, alam kong napakataas din po ng respeto niya sa akin, eh. Na para tanungin o lapitan. Kasi, maski siya ‘pag tinanong mo, sasagutin niya lang na ‘hindi ko alam sa anak ko kung anong plano niya.’ Kasi ganu’n yung respeto nila sa isa’t isa,” chika pa ng award-winning actor.

No comments:

Post a Comment