Monday, August 24, 2015

Yaya Dub, kahit anong tanong mo sa kanya di siya magsasalita, puro sign language lang



Sa isang probinsiya kung saan natoka ang All For Juan, Juan For All ng Eat Bulaga ay dumayo ang mga pamangkin ng aming kaibigan.

 Hindi nila pinalampas ang pagkakataon, isang van silang nakiusyoso sa palabas, napakasaya nilang nag-uwian.
Matagal nang tagahanga nina Jose Manalo at Wally Bayola ang buong pamilya ng aming kaibigan, pero mas tumindi pa ‘yun, dahil sa pagkapanganak ng AlDub.

Matagal na naghintay ang mga dumayo sa lugar kung saan nandu’n ang tropa ng All For Juan…, hanggang sa makalapit na sila kay Maine Mendoza (Yaya Dub), mabilisan silang nagpakuha ng picture sa sikat na sikat nang personalidad.

Komento ng aming kaibigan, “Ganu’n pala ‘yun? Kahit anong kausap ang gawin nila kay Yaya Dub, e, ayaw niyang magsalita. Hindi siya sumasagot, sign language lang daw.
“Hindi raw suplada si Yaya Dub, kaway siya nang kaway sa mga fans, ‘yun nga lang, hindi siya puwedeng magsalita, bawal daw?” tanong-opinyon ng aming kaibigan.

Sa pagkakaalam kasi namin ay sa harap lang ng mga camera bawal magsalita si Yaya Dub, ang tanging ginagawa lang niya ay ang pagda-dubsmash, pero hindi namin alam na kahit pala wala na siya sa ere ay bawal pa rin siyang magsalita.

Consistent lang si Yaya Dub sa hindi pagsasalita, ‘yun ang pinakahihintay sa kanya ngayon ng mga kababayan natin, ang kanyang boses na matagal nang misteryosa dahil puro dubsmash nga lang ang ginagawa niya sa Eat Bulaga.
Ibang klase ang tambalan nila ni Alden Richards, may isang kaibigan kami na ngayon lang namarkahan ang kaguwapuhan ng aktor, dahil sa tambalan nila ni Yaya Dub.
Hanggang sa iba-ibang bansa ay may epidemya na rin ang AlDub.

Kinikilig na rin sa kanila ang mga Pinoy na kahit pagod na pagod sa maghapong pagtatrabaho ay hindi nakalilimot na panoorin ang AlDub.
Phenomenal. ‘Yun lang ang salitang puwedeng ikapit sa kasikatan ngayon ng tambalan nina Alden at Maine Mendoza.

Walang ka-effort-effort. Natural na natural.
At original.

No comments:

Post a Comment