Thursday, August 20, 2015

Sef Cadayona gustong sundan ang yapak ni Bitoy: Idol na idol ko siya!




TIYAK na hindi tatamarin sa paghalakhak ang mga manonood sa paparating na comedy series ng GMA Network, ang Juan Tamad, na pagbibidahan ng magaling na komedyanteng si Sef Cadayona kasama ang kanyang leading lady na si Max Collins.

Simula ngayong Linggo, Aug. 23, sundan ang buhay ni Juan D. Magbangon a.k.a. Juan Tamad, ang binatang saksakan ng tamad na gagawin ang lahat para mapansin ng kanyang maganda at masipag na kapitbahay na si Marie Guiguinto (Max Collins).

Magkaibang-magkaiba sina Juan at Marie: kung gaano kasigasig at kasipag ang dalaga lalo na pagdating sa kanyang pag-aaral at balang araw ay career, siya namang ikinatamad ni Juan na ang paboritong gawin ay maghapong humiga sa ilalim ng puno ng bayabas.

Ngunit nang malaman niyang attracted si Marie sa mga lalaking maabilidad at may ambisyon sa buhay, maghahanap siya ng trabahong maglalapit sa kanya sa dalaga—kahit ano pa ito, susunggaban ni Juan!

Magbunga kaya ang milagrong pagsusumikap ni Juan Tamad?
Lalong magpapasaya sa nasabing programang hatid ng GMA News and Public Affairs ang iba pang cast members nito kabilang sina Roi Vinzon, Marissa Sanchez, Melanie Marquez at Gene Padilla—ang mga magulang nina Juan at Marie na lagi namang nagbabangayan dahil sa puno ng bayabas na nakatayo sa pagitan ng kanilang mga bakuran!
Abangan ang exciting at nakatatawang kwento ni Juan Tamad sa pilot episode nitong isinulat ng Carlos Palanca Hall of Famer na si Rody Vera at ng “Rak Of Aegis” playwright Liza Magtoto, sa ilalim ng direksyon ng beteranong komedyanteng si Soxy Topacio, ngayong Linggo na, 4:45 p.m., sa GMA 7.

Samantala, inamin ni Sef na gusto niyang sundan ang yapak ng Kapuso TV host-comedian na si Michael V na kasama niya sa longest-running gag show sa GMA na Bubble Gang.
Si Bitoy daw talaga ng inspirasyon niya pagdating sa pagkokomedya. Sa bawat episode nga raw nila sa Bubble Gang ay marami siyang natututunan kay Bitoy, sa katunayan, may collaboration na rin siya sa production ng Juan Tamad kung saan nagbibigay siya ng kanyang suggestions sa pag-atake sa kanyang role pati na rin sa magiging takbo ng buong episode.

Nangako naman ang komedyante na hindi lang puro comedy ang mapapanood nila sa Juan Tamad, kapupulutan din daw ito ng aral ng mga bata.

by Ervin Santiago

No comments:

Post a Comment