Sunday, September 21, 2008

Vicente Salumbides



Bagamat dalawang magkasunod na sunog ang tumupok sa studio ni Nepomuceno, hindi siya nawalan ng pag-asa o nasiraan ng loob sa bunga ng naturang sunog. Bumili siya ng panibagong mga kagamitan sa pelikula at nagtayo ng panibagong studio. Kinuha niyang kasosyo si Vicente Salumbides.

Si VICENTE SALUMBIDES ay isa rin sa mga pioneer sa paggawa ng pelikulang Pilipino. Malawak din ang kaalaman ni Salumbides pagdating sa paggawa ng pelikula. Nag-aral siya ng pagkathang pelikula, pag-arte at pagdirihe sa Hollywood. Doon siya nagtrabaho bilang ekstra sa Famous Players ng Lasky Studio. 

 Una niyang ginawa ang Miracles Of Love (1925) kung saan niya itinama ang mga depekto ng mga nakaraang pelikula katulad ng pag-apply ng make-up sa mga artista. Nakita niya ang depekto ng mga pelikula ni Yearsley na walang make-up ang mga artista kaya maiitim ang labas sa pelikula at masyado namang maputi kung sobra ang nilalagay na make-up sa mga pelikula ni Nepomuceno.

 Doon niya nai-apply ang make-up technique na natutunan niya sa Hollywood. Siya rin ang nag-angkin ng iba’t ibang inobasyon sa paggawa ng pelikula tulad ng paggamit ng “close up” para maipakita ang emosyon sa mukha ng gumaganap na aktor, “vision” para mailarawan ang kaisipan ng karakter, at “cutback scenes” upang mapabilis ang eksena ng katatakutan o aksiyon.

 Upang maiwasan ang mabagal na usad ng sarsuwela sa mga pelikula ni Nepomuceno, hinikayat ni Salumbides ang mga hindi gumaganap sa sarsuwela na gumanap sa kanyang mga pelikula tulad ng mga miyembro ng high society sa Maynila na mababa ang tingin sa sarsuwela at mataas kapag Hollywood films na ang pag-uusapan. 

 Bagamat mala-Hollywood-ish ang appeal ng pelikula ni Salumbides gaya ng mga titulong ingles na Miracles of Love (1925), The Soul Saver (1928), Fate or Consequence (1926), ang mga ito’y hindi nakausad sa pagpataas ng kalidad sa puntong teknikal dahilan sa kakapusan sa makabagong kasangkapang pampelikula at ang mga ito’y panay istorya ng pag-iibigan at romansa lamang.

No comments:

Post a Comment